Thursday, August 30, 2018

Talambuhay ni Marcelo H. del Pilar


(credits to the owner of the image)

Marcelo H. del Pilar
Kilala sa sagisag na plaridel

     Si Marcelo Hilario del Pilar y Gatmaitan ay kilala ng lahat sa sagisag na 'Plaridel'. Ipinanganak siya noong Agosto 30, 1850 sa Cupang, San Nicolas, Bulakan, bilang bunso sa magkakapatid. Ang mga magulang niya ay sina Don Julian del Pilar, isang gobernadorcillo at Donya Blasa Gatmaitan. Mayaman ang kanilang pamilya.

     Sa Colegio de San Jose siya unang nag-aral at nagpatuloy sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan kumuha siya ng abogasya at taong 1880 ng siya ay magtapos. Marami siyang katangian. Marunong siyang tumugtog ng iba't-ibang instrumento at mahusay din siyang umawit.

     Itinatag niya ang 'Diariong Tagalog' taong 1882 at dito niya binatikos ang pang-aabuso ng mga pari at kalupitan ng pamahalaan.

     Humingi siya ng pagbabago, dahil dito hinanap siya at pinag-usig siya ng mga Kastila. Taong 1888 nang tumakas siya patungong Espanya at doon ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsusulat.
Binili niya kay Lopez Jaena ang 'La Solidaridad' at siya ang naging patnugot nito, mula noong 1889 hanggang 1895. Dito niya isinulat ang kanyang pinakadakilang likha ang "La Soberani Monacal" at "La Frailocracia Filipina."

     Dahil sa pagmamahal sa sariling bayan ay isinaisantabi niya ang kanyang kapakanan. Sa simula ay maalwan ang kanyang kalagayan sa buhay, subalit tiniis niyang maghirap bandang huli, mapaglingkuran lamang ang kanyang inang sinilangan. Hanggang sa siya ay nagkasakit ng tuberkulosis at noong Hulyo 4, 1896 sa gulang na 46, siya ay namatay.

Talambuhay ni Juan N. Luna


(credits to the owner of the image)

Juan N. Luna
Ang dakilang Pintor

     Si Juan Novicio Luna ay ipinanganak sa Badoc, Ilocos Norte noong Oktubre 23, 1857, kapatid niya si Antonio Luna. Ang mga magulang nila ay sina Joaquin Luna at Laureana Novicio.

     Taong 1874 ng magtapos siya ng pag-aaral sa Ateneo de Manila ng kursong "Bachiler de artes'. Likas ang hilig niya sa pagpipinta kaya nag-aral din siya sa Academia de Dibujo y Pintura sa Maynila na pinamamahalaan ng mga bantog at kilalang kastilang pintor.

Nagtungo siya sa Espanya taong 1877 upang magpakadalubhasa.

     Pumasok siya sa tanyag na Escuela de Bellas Artes sa Madrid. Dahil sa husay niyang magpinta ay umani si Juan Luna ng paghanga at papuri. Nahirang din siyang pensiyanado sa Europa ng pamahalaang Pilipino. Siya ay pinagkalooban ng taunang pensyon sa loob ng apat na taon, sa kasunduang taun-taon ay gagawa siya ng isang larawang magagamit na palamuti sa iba't ibang gusali ng pamahalaang Pilipinas.

    Naglakbay siya sa iba't ibang bansa sa Europa. Narating niya ang Roma, Italia at Paris kasama niya ang kanyang guro na si Alejo Vera.

    Nagkamit ng medalyang ginto ang kanyang iginuhit na "Ang Kamatayan ni Cleopatra" at naipagbili niya sa pinakamataas na halagang maibabayad sa isang pintura.

     Taong 1884 ng kanyang iginuhit ang bantog na "Spolarium" na nakilala at hinangaan sa lahat ng kanyang mga ginawa. Marami pang ibang likha si Juan Luna na hinahangaan ng marami habang siya ay nasa Europa.

Nagbalik siya sa Pilipinas noong 1894.

     Taong 1896 ng siya ay hulihin ng mga kastila at ibinilanggo sa Fort Santiago sa bintang na siya ay may kinalaman sa gawain ng mga katipunero, kasama niyang nakulong ang kanyang kapatid na si Heneral Antonio Luna.

    Pinalaya siya noong 1897. Muli siyang umalis ng Pilipinas at naglakbay sa iba't ibang bansa sa silangan. Subalit inabot siya doon ng karamdaman.

Disyembre 7, 1899 ng siya ay bawian ng buhay.

Talambuhay ni Emilio Jacinto


(credits to the owner of the image)


Emilio Jacinto
Utak ng Katipunan

     Si Emilio jacinto ay isinilang noong Disyembre 15, 1875 sa Trozo, Maynila. Ang mga magulang niya ay sina Mariano Jacinto at Josefa Dizon na isang midwife or hilot.

     Mahirap lamang ang kanyang mga magulang. Nakapag-aral lang siya sa San Juan de Letran sa tulong ng isang tiyuhin. Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo tomas kung saan kumuha siya ng abogasya. Doon ay naging kamag-aral niya sina Osmena, Quezon at Sumulong.

     Taong 1894 ay sumapi siya sa Katipunan. Labing-siyam na taong gulang siya noong at siya ang pinakabatang kasapi ng samahan. Mula sa una niyang pakikipaglaban sa Balintawak at Pasong Tamo ay pinagkatiwalaan at hinirang siya ni Andres Bonifacio bilang heneral sa hukbo ng Katipunan sa parteng hilaga. Isa siyang dalubhasang manunulat. Marami ang nagsabi na nahigitan pa niya si Bonifacio. Sapagkat hindi ang Dekalogo ni Bonifacio ang ginamit ng Katipunan kundi ang sinulat niyang 'Kartilya', nakapaloob dito ang mga turo ng KKK. Dahil dito kinilala siyang "Utak ng Katipunan at Himagsikan".

     Nagkahiwalay sila ni Bonifacio ng sumiklab ang himagsika. Isang taon pagkaraang mapatay si Bonifacio, nasugatan si Emilio Jacinto sa Labanan at nadakip siya ng mga kaaway. Ito ay noong Pebrero 1898, ngunit nakatakas siya at nagtungo siya sa Maynila.

     Ipinasiya niyang bumalik muli sa Laguna at doon ipinagpatuloy ang kanayng pakikibaka, subalit nagkasakit siya. Noong Abril 16, 1899 namatay siya sa sakit na malaria. Ang kanayng mga labi ay nalalagak ngayon sa "Cementerio del Norte sa Maynila.



Talambuhay ni Gregorio del Pilar


(credits to the owner of the image)

Gregorio del Pilar
Bayani ng Pasong Tirad

     Si Gregorio del Pilar ay ipinanganak noong Nobyembre 14, 1875 sa Bulakan. Ang mga magulang niya ay sina Fernando del Pilar at Felipa Sempio. Pamangkin siya ni Marcelo del Pilar.

    Bata pa lamang siya ay nauunawaan na niya ang kalagayan ng kanyang bayan. Malimit siyang tumanggap ng maliliit na aklat na naglalaman ng mga sinulat nina Rizal, Lopez Jaena, del Pilar at iba pa mula kay Marcelo.

     Nagpakita din siya ng katapangan ng pakialaman niya ang mga aklat na ipinamumudmod ng isang pare na tumutuligsa at nagpaparatang sa mga Pilipinong nagpapakasakit alang-alang sa bayan. Pinalitan niya ng mga pahina na pinilas niya mula sa mga aklat na pinadadala sa kanya ng tiyuhing si Marcel del Pilar na nagpapakita naman ng pagmamahal sa bayan. Layunin niya ay ituwid ang mga maling paratang ng mga kastila sa mga Pilipinong repormista.

     Nag-aral din siya sa Ateneo taong 1880 at nakitira siya sa bahay ng kanyang tiyuhin, kung saan itinatag ang Katipunan. Nahikayat siyang maging mensahero ng mga propagandista, at dahil doon natanim sa kanyang murang isipan ang gawain ng Katipunan.

    Nagtapos siya ng pag-aaral sa Ateneo noong Marso, 1896. Hindi nagkaroon ng katuparan ang pangarap niyang makapagturo sapagkat sumiklab ang Himagsikan. Sumapi siya sa grupo ni Col. Vicente Enriquez at kasama siyang napalaban sa Kakaron de Sili, at sa Paombong. Humanga sa kanya si Aguinaldo kaya nataas ang kanyang ranggo bilang tinyente-koronel. Siya ang nanguna sa labanan sa Bulakan kung saan pinalaya niya ito mula sa pagkakasakop.

     Nang mamatay si Hen. Antonio Luna siya ang humalili dito, Tinugis sila ng kalabang Amerikano sa Pasong Tirad.

     Dahil sa magiting na pagtatanggol sa Pasong Tirad ay namatay siya, kasama ang ilan niyang mga tauhan. Ito ay noong Disyembre 2, 1899. Subalit bago siya namatay ay sinulat niya sa kanyang diary na "Isang napakahirap na gawain ang sa kanya'y nakaatang, subalit masaya siyang mamamatay para sa kanyang minamahal na bayan.

Talambuhay ni Antonio N. Luna


Antonio N. Luna
Ang Dakilang Heneral

     Si Antonio Novicio Luna ay ipinanganak noong Oktubre 29, 1869 sa Urbis Tondo, Maynila, Kapatid niya ang kilalang pintor na si Juan Luna. Ang mga magulang nila ay sina Joaquin Luna at Laureana Novicio.

     Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila at Unibersidad ng Santo Tomas. Nagtungo siya sa Barcelona at doon siya nag-tapos ng Parmasya.

     Habang nasa Espanya ay nakahalubilo niya doon sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena at Marcelo H. del Pilar. Sama-sama nilang ipinaglalaban doon ang kapakanan ng mga kababayan nila sa Pilipinas.

     Nang siya ay umuwi sa Pilipinas ay naglingkod siya bilang Chemist sa Municipal Laboratory ng Maynila. Isa rin siyang mahusay na manunulat. Sumulat siya ng mga artikulo sa "La Solidaridad" noong panahon ng propaganda. Dahil doon siya ay ipinatapon sa Espanya, at ibinilanggo sa madrid sa hinalang siya ay kasapi ng mga manghihimagsik.

     Nagbalik siya sa Pilipinas.
  Nang sumiklab ang digmaan ng mga Amerikano at Pilipino siya ay sumama sa mga manghihimagsik ni Heneral Emilio Aguinaldo. Dahil sa kanyang galing at katapangan ginawa siyang Kalihim-Digma sa Republika ng Pilipinas. Nagtatag siya ng Military Academy para ihanda niya ang Hukbong Pilipino na lalaban sa mga Amerikano. Nabingit siya sa kamatayan ng sumuong siya sa mahigpit na labanan sa La Loma. Natalo siya sa pakikipaglaban ngunit hindi siya sumuko.

     Siya ay tunay na bayaning nagmahal sa kanyang bayang tinubuan. Ipinaglaban niya ang kalayaan nito hanggang sa kanyang huling hininga.

     Noong Hunyo 5, 1899 ay napatay siya ng mga sundalo sa Nueva Ecija sa gulang na 30. Bago paman mangyari iyon ay nakagawa na siya ng sulat na nagsasabing ang kanyang ari-arian ay mapupunta sa kanyang ina, at ang kanyang katawan ay ibabalot sa bandila ng Pilipinas bago ilibing.

Talambuhay ni Apolinario Mabini



(credits to the owner of the image)

Apolinario Mabini
Ang Dakilang Lumpo

     Si Apolinario Mabini ay isinilang noong Hulyo 22, 1864 sa nayon ng Talaga, Tanauan, Batangas. Ang mga magulang niya ay sina inocencio Mabini at Dionisia Maranan. Pangalawa siya sa magkakapatid.

     Nagmula siya sa mahirap na pamilya. Nakagisnan na niya ang hanapbuhay ng kanyang magulang na pagtatanim ng kung anu-anong gulay. Kahit naghihikahos nagsikap ang pamilya niya upang maitaguyod ang kanayang pag-aaral sa Maynila.
    
    Nagtatrabaho siya habang nag-aaral sa San Juan de letran at sa Unibersidad ng Santo Tomas. Habang nag-aaral ay sumapi siya sa La Liga Filipina ni Jose Rizal at naging aktibo siyang miyembr. Nagtapos siya ng abogasya noong 1894.

     Taong 1896 ng magkasakit siya ng 'paralysis' na naging dahilan ng kanyang pagkalumpo. Lihim siyang ipinatawag ni Aguinaldo at ginawa siyang opisyal na tagapayo. Nang pasinayaan ni Aguinaldo ang Pamahalaang Republika inatasan siya nito ang kanyang tanyag na akdang "Tunay na Dekalogo".
Taong 1899 ng si Mabini ay dakipin at ipinabilanggo ng mga Amerikano sa Nueva Ecija. Sa kulungan ay kanyang isinulat ang "Pagbangon at Pagbagsak ng Himagsikang Filipino."

     Enero 5, 1901 ng siya ay ipinatapon sa Guam kasama ng iba pa. Ngunit nagbalik siya sa bansa noong Pebrero 1903 kapalit ng panunumpa ng katapatan sa pamahalaang Estados Unidos. Nakumbinsi siyang kilalanin ang kapangyarihan ng mga Amerikano sapagkat naisip niya na malulutas lamang ang suliranin ng Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan.

     Namatay siya sa sakit na kolera sa idad na 39 noong Mayo 13, 1903 sa Nagtahan, Manila.

Tuesday, August 28, 2018

Talambuhay ni Andres Bonifacio

(credits to the owner of the image)

Andres Bonifacio
Nagtatag ng katipunan

     Si Andres Bonifacio ay ipinanganak sa Tondo Maynila noong Nobyembre 30, 1863. Ang mga magulang niya ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro na isang mestisang Espanyol at nagtatrabaho sa isang pabrika ng sigarilyo. Nagsimula siyang mag-aral sa Don Guilermo Osmena sa Meisik, subalit naulila siya sa gulang na labing-siyam na taon (19), kaya napilitan siyang huminto sa pag-aaral.

     Naghanapbuhay siya para sa kanyang mga nakababatang kapatid. Nagsikap na lang siyang mag-aral sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat. Natuto siyang gumawa at magbenta ng mga pamaypay na papel at mga baston. Naging mensahero siya ng Fleming and Co. At pagkaraan ay naging ahente dito. Ilan sa mga librong nabasa niya ay ang Himagsikang Pranses, Buhay at Gawa ng mga pangulo ng Estados Unidos at iba pang mga makasaysayang aklat.
Hinubog ng mga aklat na ito ang utak ni Bonifacio. Noong Hulyo 7, 1892 si Andres Bonifacio kasama ng ilang kilalang tao ay patago at lihim na nagtipon sa Azcarraga, Maynila upang itatag ang KKK o "Kataas-taasan Kagalang-galang na Katipunan". Subalit noong pagkaraan ng apat na taon ito ay natuklasan ng mga autoridad at binalak buwagin.

     Dahil dito pinasimula ni Bonifacio at ng mga katipunero ang himagsikan noong Agosto 23 sa pamamagitan ng pagsigaw sa Pugad Lawin. Kalookan, kung saan pinunit nila ang kanilang mga cedula. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo tungkol sa pamumuno. Dinakip si Bonifacio sa salang pagtataksil sa bayan. Nahatulan siya ng kamatayan at pinatay ng mga sundalo sa bundok ng Tala, Cavite noong Mayo 10, 1897.